Photo Credit: Amy Campbell |
Nasambit ko na sa sarili ko na "Napakamalas ko sa buhay Pag-ibig". Madalas natin naririnig "Kung suwerte ka sa ibang aspeto ng buhay, malas ka sa pag-ibig". Tinamaan ako ni kupido, nabihag ng isang lalaking nagpatibok ng puso ko. Akala ko panghabang-buhay na ang kasiyahang nararamdaman ko noon sa lalaking naging ama ng anak ko. Sunod sa luho, hindi kinapos sa mga materyal na bagay. Mala-reynang buhay ika nga ng iba. Ngunit para akong ibon na nasa gintong hawla dahil kapalit ng buhay na ito ay ang paglimot sa aking pamilya at mga kaibigan. Oo, ng dahil sa sobrang pagmamahal, tinalikuran ko ang mga taong nagmamahal sa akin sa kagustuhan ng aking katuwang sa buhay.
Isang unos ang dumating sa buhay namin, nagkasakit ang aming anak. Kasunod ng pag-aalala, walang tulog at matinding pag-iisip para sa aming supling, naibuhos sa aming anak ang lahat ng atensiyon ko. Ngunit ano nga ba ang dapat kong gawin ng mga panahon na iyon? Wala akong ibang makapitan kung hindi sarili ko lang. Ang tatay naman ng anak ko ay halos hindi na namin makita dahil palaging nagtratrabaho. Mutawi niya ay "para sa ating tatlo ang lahat ng ito". Inintindi ko yun ngunit unti-unti, mas nagiging emosyonal ako dahil sa kalagayan ng anak namin, hindi ko mawari kung ano ang kahihinatnan ng bata. Naging mailap ako, hindi ko siya masyadong napansin. Naging madalang ang pagsasalo namin sa gabi at ang oras sa aming pamilya ay parang laging minamadali.
Kalaunan, naging maayos din ang kalagayan ng anak namin. Hindi man perpekto, ngunit malayo na sa bingit ng kamatayan. Medyo nakahinga ako, nakapagpahinga at muling naipinta sa mukha ko ang ngiti. Hindi ko namalayan, humina na pala ang apoy sa aming pag-iibigan ng mahal ko. Lagi pa rin siyang nasa trabaho, minsan nga kung magkita kami sa hapunan lang, mga 2 oras at babalik na naman siya sa opisina. Nasanay kami na ganito hanggang sa kinausap ko siya na kung puwede bang magbakasyon kami ng bata sa Pilipinas ng isang buwan para maiba ang ihip ng hangin. Ayaw niyang sumama dahil madami pa daw siyang aasikasuhin sa negosyo.
Lumipad kami sa Pilipinas ng aking unico hijo. May kabog sa dibdib ko, akala ko dahil lang sa nanabik na ipakilala sa pamilya ko ang aking anak at ang makasama sila. Sa kasawiang palad, ang kaba na iyon ay kutob pala. Masakit man isipin, napag-alaman ko na nakuha akong pagtaksilan ng mahal ko at ng isang kaibigang Pinay na itinuring kong kapatid. Siya ang tanging Pinay na naging kaibigan ko dito sa bansa ng mga estranghero. Napaniwala niya ang aking kabiyak na meron daw akong kabit sa Pilipinas kaya ako umuwi. Isang kasinungalingan na naidulot ng kanyang itinatagong inggit sa akin. At kasunod ng matinding pag-iinom nila ng alak ay ang pagsaksak sa puso kong umiibig sa kanya. Paano ko nga ba tatanggapin ang sakit na ito? Ang kirot na tila pumipiga sa puso kong sinugatan ng dalawang taong importante sa akin? Paano ko mapapatawad ang dalawang nilalang na bumahid ng dumi sa buhay ko at sa sarili ko pang pamamahay?
Madami kong beses inisip, madami akong luhang ipinatak, madami akong tulog na pinalipas. Kakayanin ko ba ito para sa anak ko? Kakayanin ba ng konsensiya ko na magkunwari na parang wala lang ang lahat? Sabi ko sa sarili ko, magpapakatatag na lamang ako at tutulungan ang kabiyak ko na bumangon sa kanyang pagkadapa at samahan na ayusin ang kanyang pagkakamali ngunit bigla kong naramdaman ang sakit sa aking sinapupunan at bigla akong dinugo. Isinugod ako sa pagamutan at napag-alaman na nagdadalang-tao pala ako ng aming pangalawa sanang supling. Hindi ko na talaga alam ang iisipin ko sa mga panahon na yun. Gusto kong sumigaw, gusto kong manisi pero tanging luha lang ang sumagot sa lahat ng sakit na nararamdaman ko.
Nagluksa akong mag-isa at ang pagkawala ng munting anghel ko ay hudyat na huwag ko nang balikan pa ang buhay na maaring magbigay lang sa akin ng lungkot na walang hangganan.
Mahal ko siya, hindi ko kailanman iyon ikinaila, pero wasak na ang puso at isipan ko pagkatapos ng lahat ng nangyari. Iniwan ko siya, isinama ang aming anak.
Kumakapa ako sa dilim bilang isang ina, bilang babae at bilang tao. Hindi ko alam kung saan ako patutungo pero alam ko na gagawin ko ang lahat para sa anak ko. Pinagdesisyunan kong maging tanging magulang at ang anak ko lamang ang magiging sentro ng buhay ko. Marahil madami ang magsasabi na napakatanga ko sa naging desisyon ko, "Nasa kutson na, bumaba pa sa sahig" ang madalas nilang sinasabi. Siguro nga tama sila pero hindi ko na kakayanin pang mas durugin pa ang pagkatao ko hanggang sa maging pino ito. Ano na lang ang matitira sa akin? Ano na lang ang maipagmamalaki ko sa anak ko balang araw? Oo, iniwan ko ang ama niya pero kailangan ng mga sugat ko ang humilom. Ayoko nang maging marupok, ayoko nang masaktan at ayoko nang maapakan. Muli akong pinagbuksan ng aking mga pamilya at mga kaibigan na aking minsang tinalikuran. Ni isang salita ng panghuhusga ay wala akong narinig. Tinulungan nila akong muling bumangon sa aking pagbagsak.
Sa ibang bahagi ng buhay ko sa pagiging ina, kung puwede lang ipagkait ang anak upang matahimik ay nagawa ko na. Ngunit yun nga ba ang nais kong uri ng kapayapaan? Hindi ko rin maatim na pagdamutan ang aking anak ng kanyang ama dahil kailangan niya pa rin ang kalinga ng kanyang tatay. Kailanman ay hindi ko mapupunan ang pagmamahal ng kanyang ama kaya naman bukal sa loob ko na maging parte pa rin siya sa buhay ng anak namin. Ngunit kapalit nito ay ang paghihirap sa puso ko na muling mabuo at ang pagbagal ng aking pag-usad sa buhay dahil sa tuwing nakikita ko siya, nasasaktan pa rin ako. Sa tuwing nakakausap ko siya, naglalakbay ang diwa ko sa malayong lugar kung saan nandoon kaming tatlo, buo ang pamilya at masaya. Sa tuwing siya ay lumilisan, ay parang paulit ulit na pagtugis ng mga karayom sa aking dibdib. Nababaliw na nga ba ako?
Dalawang taon ang lumipas, hindi na nga kami nagkabalikan. Minsan may isang pagkakataon ngunit naudlot din dahil sa may nakilala siya, muli na naman niya akong sinaktan, muling iniwan. Sa mga panahon na yun, binuksan ko ang mga mata ko at ang puso ko. Hindi na ako magpapaagrabyado pa, hindi na ako magpapatulak pang muli sa putik at isusuko ang kaligayahan ko. Alam ko na kasama ng aking anak at ang Diyos, ako ay makakarating din sa nais kong paroonan.
May mahigit sa isang taon na ang nakalipas mula sa araw na ito na ako’y may nakilalang isang bagong pag-ibig. Isang lalaking mas hinigitan pa ang lalaking minahal ko. Isang bagong iniirog na tanggap ako at ang aking anak. Isang lalaki na ang tanging hangad lamang ay ang aking kasiyahan. Maaga pa para sabihin na siya na nga ang nais kong makasama sa habang buhay ngunit kung anuman ang meron kami ay kuntento at masaya na ako. Madami akong natutunan sa aking pagbagsak, meron akong mga bagay na nais ibahin, may mga masukal na daan na ayoko nang tahakin. Sa bagong yugtong ito, ALAM KONG NANDYAN ANG DIYOS, ANG AKING PAMILYA AT MGA KAIBIGAN para saluhan at gabayan ako sa bagong mundong aking ginagalawan.
No comments:
Post a Comment
What is on your mind now? Share your advice/comment with LOVE. :)