Wednesday, December 4, 2013

Shared by Miss Anony Mous

Mayroon akong gustong ibahagi na kuwentong puso pero masaya. Ah sa umpisa masaya, tapos malungkot, tapos masaya na ulit. Baka makapagbigay ng pagasa sa mga sawi at manumbalik ang tiwala at paniniwala nila na mayroon naman talagang "...and they lived happily ever after". May twist nga lang.

Bata pa ako nang magasawa. Nobyo ko siya noong 18 years old pa lang ako. Hindi sa pagmamayabang pero sa dinami dami ng manliligaw ko noon, siya talaga ang nagustuhan ko. Lalakeng napaka-gentleman, 'yung tipong kapag nakatayo ka ay hihila ng upuan para paupuin ka, kapag tatawid sa kalye nakaakay sa siko, hindi lang pinto ang kaya niyang buksan para sa'yo, pati bote ng Coke, lumilipad ang "po" at "opo" kapag may matandang kausap, at madami pang katangiang makalaglag panty sa pagkagentleman. At napakabango pa - Hindi amoy pabango ha, amoy natural na amoy baby.

Tatlong taon kaming magkasintahan bago kami nagdesisyon magpakasal sa huwes. Nagbuntis ako sa panganay ko noong 21 years old ako. Sa umpisa parang napakasuwerte ko. Malaki ang bahay na tinirhan ko, may pera ang pamilya ng asawa ko at maayos ang mga biyenan ko. Pero ang problema ay unti-unti kong nakita habang nagsasama na kami. Napakaseloso pala niya. Madami siyang ipinagbawal. Sa ganda ng legs ko, hindi pwedeng makita ito ng kahit sino. Bawal makita ang tuhod, siko at batok ko dahil "akin lang lahat 'yan" sabi niya. At kapag sumuway ako, mananakit siya. Isipin mo sa gitna ng tag-init kailangan nakaMaong at naka Turtle Neck ako! Sa beach ha! Ang pinakamalala ay kapag nakainom na siya, para bang nakakalimutan na niya kung sino ako, na babae ako, na wala akong laban sa mga pananakit niya. Madaming beses na nakakulong lang ako sa kwarto sa hiyang makita ng ibang tao ang black, blue at violet kong mga mata. Kulang na lang kumpletuhin ang mga kulay sa bahaghari para masabi kong "there's a rainbow in my eyes." Buti din sana kung contact lens ang nagbigay ng kulay sa mga mata ko pero hindi, kamao niya ang dahilan. Kahit pa ano ang kalagayan ko, kahit pa buntis ako, nabubugbog ako, nakukulong, nasasampal sa mga kaunting pagkakamali gaya ng nakalimutan kong magabot ng tuwalya sa kanya noong naliligo siya. 
Araw-araw din siyang lasing. Alcoholic. So halos araw-araw, ganoon ang buhay ko. May magsosorry sa akin sa umaga - okay kami maghapon - bugbugan sa gabi. Pakitang-tao lang pala ang pagiging gentleman niya. Mabango lang pala sa labas pero umaalingasaw sa baho ang ugali. Pero mahal ko eh, nabuntis pa nga ako ulit sa pangalawa kong anak noong sumunod na taon.
Totoo pala ang sinasabi nila na kahit gaano katalino ang isang babae, mas madalas kaysa hindi, ang pagmamahal ay nakakabobo. Achiever kasi ako noong bata pa. Laman ako ng stage para tumanggap ng mga medalya sa academics at sports. Nakapagtapos din ako sa isa sa mga kilalang Unibersidad sa Maynila. Kaya madaming hindi makaintindi kung paano kong hinayaan ang sarili kong maltratuhin ng taong dapat sana ay siya ang magprotekta sa akin sa sakit na dulot ng mundo. Pero siya ang naging mundo ko, at siya ang nagdulot ng sakit sa akin.

Isang gabi na may parehas na routine, sa gitna ng paguntog ng asawa ko sa ilong ko sa dingding, nagising ang panganay
Photo credit: Charles J. Orlando
kong dalawang taong gulang na noon. Nakita niya na dumudugo ang ilong ko at pumutok na noo ko. Matalino ang anak ko at sigurado akong kahit musmos pa siya may ideya na siya kung ano ang dapat at hindi. Tumakbo ang bata at niyakap ang binti ng asawa ko sabay sinusuntok niya "Don't hurt my mommy!" Dito ako natauhan. Siguro malakas din masyado pag kakauntog sa akin kaya natauhan ako. Pero ang naisip ko lang noon, ayaw kong lumaki ang mga anak ko na para bang normal na makita nilang pinapapangit sa bukol ng tatay nila ang nanay nila. Hindi ko alam kung paano pero nang marealize ko na sobra na ang dinadanas ko bigla akong lumakas at parang nagka-Superpowers ako. Sa kaunaunahang pagkakataon, lumaban ako. Ang ending ng gabing 'yon? Dumugo din ang ilong ng asawa ko at siyempre pa pumutok din ang noo niya. Madami din siyang tinamong pasa at bugbog sa katawan. Totoo pala na "your children will give you strength" pwede palang physical strength 'yon.


Lumayas kaming magiina ng gabing 'yon. Kinailangan ko pang antayin makatulog ang asawa ko. Ang nabitbit ko: Dalawang bata at isang bag. Nakitira muna kami sa isang kaibigan na binigyan din ako ng pamasahe para umuwi muna sa probinsiya. Sa dose oras na biyahe sa barko pauwing probinsiya, hindi ko na makuha pang umiyak, Abala na ang isip ko sa pagpaplano ng buhay namin mag-iina. 'Pag dating doon, iniwan ko ang mga bata sa nanay at tatay ko kasabay ang pangakong babalik ako matapos ang isang taon. Kung anong sakit ang nadanasan ko sa asawa ko, lahat ng 'yon ay balewala pala sa sakit na naramdaman ko nang kailangan kong iwan ang mga anak ko sa mga magulang ko para lang makapagumpisa ulit. Kailangan ko bumalik sa Maynila para maghanap ng trabaho. Dala ang ticket sa barko, 500 piso at balde baldeng luha, lumuwas ulit ako pabalik ng Maynila.
'Pag dating sa Maynila, wala akong matirhan. Takot akong makitira sa kamaganak dahil alam kong madami akong maririnig. Isa pa, kilala ko sila, madalas kaysa hindi, mas pinakikisamahan nila ang pera kesa sa tao. Mabuti pa sa Luneta na lang matulog, walang nakakakilala sa'yo, walang manghuhusga sa mga naging desisyon mo. Kapag naiisip ko ngayon na natulog ako sa Luneta ng tatlong araw, nagpapasalamat ako na walang nangyaring masama sa akin doon. Natuto din akong maging malungkot kapag umuulan. Madaming tao ang natutulog lang sa karton at kapag bumuhos ang ulan, halos hindi makatulog ang mga tao doon dahil kailangan nilang tumayo para sumilong.

Madami akong naging trabaho, mula sa pagiging checker kung saan babantayan at bibilangin kung ilang kahon ang naikarga sa truck; tagatimpla ng kape at tagatiis sa mabahong hininga ng boss kong hindi kilala si Colgate; sekretarya sa isang Lending company; alila ng isang abogado at kung ano ano pa. Dahil lahat ng pera ko ay ipinapadala ko sa mga anak ko, kulang talaga.
Hanggang sa narinig ko sa isang kaibigan na nagsabing subukan ko mag-apply sa isang call center. Noong mga panahong 'yon, hindi pa masyadong alam ng iba kung ano ang call center. Kaya nang matanggap ako sa isa, pinagusapan ako ng mga housemates ko na ang duda nila ay isa akong pokpok. Nagtatrabaho sa gabi, umuuwi sa umaga. Pero wala akong pakialam, basta ang alam ko, mula sa 500/week na sahod ko sa mga maliliit na kumpanyang pinasukan ko, naging 12K/month++ ang sweldo ko sa call center. Pakiramdam ko biglang yaman ako!

Sa loob ng kalahating taon na nagtatrabaho ako sa isang call center sa Makati, napromote ako bilang TL. Akala siguro ng boss ko napakasipag ko. Aba 'pag dating niya sa opisina andon na ako, ako din ang huling taong makikita niya kapag uwian na. Ang hindi niya alam, ayaw ko lang talaga umuwi kasi maalala ko ang mga anak ko at iiyak lang ako. So sa opisina na lang ako, nakaAircon na, may libreng Iced Tea pa! Libre na din ang renta kasi nagTNT ako sa opisina at ginawa kong bahay ko ang entertainment room.
Nakaipon ako at nakakuha ng maliit na apartment. Dahil may posisyon na ako, at tama na ang sweldo ko, kinuha ko na ang mga anak ko. Natupad ko ang pangako kong babalikan ko ang mga bata sa loob ng isang taon.

Habang nangyayari lahat ng ito, may masugid akong manliligaw. Dahil patay na patay siya sa akin, araw-araw niya ako sinusundo sa bahay para ihatid sa opisina. Pero kapag uwian na, imbes sa bahay niya ako ihatid, sa simbahan sa Quiapo ako nagpapababa para magmakaawa kay Lord ng lovelife. Simple lang naman ang hinihingi ko: Isang lalakeng patay na patay sa akin. Kapag ganon kasi, sigurado akong hindi ako sasaktan.

Alam ko din na sinagot Niya ang hiling ko. Wala naman sigurong lalakeng titiyagain ako na parang driver ko na at lahat ng sabihin ko susundin pa. At napakabait ni Lord ha! Ang dami kong bonus: Bukod sa patay na patay ang lalakeng 'to sa akin, matalino, nakatapos at may Masters pa, galing sa disenteng pamilya, madaming pangarap sa buhay. Higit sa lahat mahal na mahal niya ang mga anak ko na para bang kanya. At ganoon din ang buong pamilya niya. Siyempre, aarte pa ba ako? Baka mainis si Lord sa akin at pitikin na naman ako eh sawa na ako sa buhay na baha ng luha. Sinagot ko siya.

Kasabay ng pagpromote sa akin, sa pinakamataas na posisyon na kaya ng isang Pinoy sa isang call center, ay ang matiwasay na lovelife. Nakapagtayo na din kami ng asawa ko ngayon ng sarili naming kumpanya at ika-12 taong anibersaryo na naming dalawa sa susunod na linggo. Na-Annul na din ang kasal ko sa una at nakapagpakasal na ako sa pangalawa. Kapag binabalikan ko ang lahat ng hirap na naranasan ko, naiisip kong kailangan pala talaga na dumaan ako sa ganoon para mas mahalin ko ang sarili ko at mas bigyan ko ng halaga lahat ng bagay na mayroon ako, maliit man o malaki.

Minsan habang nagdadrive sa tatlong oras na maulang traffic sa EDSA ang nasambit ko lang: "Lord salamat at may kotse ako, hindi ako nababasa. Bilang kapalit hahabaan ko pa ang pasensiya ko." Dati kasi, dahil laging kulang ang pamasahe ko, nang1-2-3 ako ng mga bus, tulugtulugan o kaya baba na agad ako bago pa lumapit ang konduktor. Nakakatuwa din isipin na dati, kapag lilipat ako ng bahay, lahat ng gamit ko kasya sa isang taxi, ngayon kailangan ko ng limang trak para ilipat lahat ng gamit ko. Malulusog ang mga anak ko at walang stigma ng broken family. Salamat sa lalakeng patay na patay sa akin at iningatan niya at ng pamilya niya ang damdamin at pagpapalaki sa mga anak ko.
Pero alam na alam ko din na lahat ng materyal na bagay ay walang saysay kung hindi ko mas bibigyan ng halaga ang sarili ko at ang mga tunay na mahahalagang tao sa buhay ko. Alam kong kaya lang naman ako naging ganito ay dahil sa hindi ko tinanggap na hanggang doon na lang ang kwento ko. Tumanggi akong magkaroon ng sad ending. Higit sa lahat, alam kong may Dios na nakakaalam kung ano at paano ang nararapat sa ating lahat. Madalas kasi, hindi lang natin nakikita pero may mga kailangang mangyari sa mga buhay natin para din sa ikauunlad natin.
Naniniwala ako sa happy endings. Naniniwala ako na madami pa akong pagdadaanang pagsubok. At naniniwala din ako na dahil praktisado na ako, malalampasan ko din lahat. Sana. 'Di bale, kapag 'di ko na kaya, andiyan naman ang simbahan ng Quiapo. May lalake namang patay na patay sa akin para ihatid ako doon.

No comments:

Post a Comment

What is on your mind now? Share your advice/comment with LOVE. :)

 
© 2013 Imsharing. All rights reserved. The material on this site may not be reproduced, distributed, transmitted, cached or otherwise used.